Sunday, June 27, 2010

Suliranin sa Populasyon

Ang pagdami ng populasyon ay isa sa malaking suliranin sa Pilipinas. Nagsagawa ang pamahalaan ng mga paraan, mga programa para tukuyin at lutasin ito subalit may mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng simbahan. Naging malaking isyu ang Family Planning program ng pamahalaan dahilan sa ipinakilala nitong paraan ng pagpigil sa pagbubuntis sa pamamagitan ng paggamit ng contraceptives.

Bilang isang ordinaryong mamamayan at isang ina ito ang aking pananaw.

Kalimitan sa maraming anak ay ang mga mahirap. Kung sino pa ang walang kakayahang bumuhay at magpakain ay siya pang anak ng anak. Bakit? Sabi kasi walang ibang magawa. Sabi kasi di nila alam kung ano yang family planning. Sabi kasi masama daw yan sa ating mga babae. Sabi kasi ng simbahan pumapatay daw yan. At masama ang pumatay. Sabi daw ng Panginoon "Humayo kayo at magparami". Tama subalit kasama dapat nito ang pagiging responsableng pagiging magulang. Bakit kayo magpaparami kung hindi nyo kayang pakainin yang pinadami nyo? Hindi nyo kayang paaralin? Hindi nyo kayang turuan ng tamang-asal? Hindi nyo kayang palakihin na maging isang responsable mamamayan ng lipunan?

Sa aking paboritong tambayan sa hapon kung saan inilalaan ko ang kahit isang oras para sa aking sarili na umupo, humigop ng mainit na kape kahit taginting ang sikat ng araw, at magmasid at masdan ang tao at kapaligiran, madami akong nakita at natutunan. May isang batang babaeng namamalimos araw-araw sa lugar na ito ng maingay na Rizal Avenue, bitbit-bitbit ang isang maliit na batang sa hula ko lang ay wala pang isang taon, habang ang walanghiya niyang ina ay nasa di-kalayuan at nagmamasid sa kanya. Sa tuwing lumilingon ang bata sa kanyang ina sesenyas ang ina na itinutulak siyang ipagpatuloy ang paghingi. At pag walang nagbigay tatawagin na ito para ituro ang susunod na hihingian. Galit na galit ako sa kanya! Ang kapal ng mukha niya! Aanak-anak siya tapos sa bata niya ibibigay ang responsibilidad ng paghahanapbuhay?

Sa isang pagluwas namin sa Maynila habang namimili, dalawang bata, isang lalaki at babae ang lumapit sa kahera ng tindahan humihingi ng pera habang ipinapakita ang isang papel. Parehong-pareho ang sinasabi ng mga ito na halatang ipinasaulo sa kanila. Ng tanungin ko kung sino nagutos sa kanila agad itong tumakbong paalis. Ng sundan ko sa labas nakita ko ang kasama nilang may kaedarang lalaki na siyang naguutos sa kanila.

Meron tayong DSWD, Department of Social Welfare and Development. Ano ang ginagawa nila? Meron ba? Kung meron ay ano? Ang unang dapat hinuhuli ang ang ina o ama ng mga batang ito na nagtutulak at nagtuturo sa kanila sa gawaing ito. Kawawang mga bata na sa batang gulang ay namulat sa hindi katanggap-tnaggap na kalagayan subalit natututo para mabuhay.

Balik sa simbahan. Dahil salungat ang simbahan sa family planning program na ito marami ang hindi gumagamit o naniniwala dito. Tanong ko....Ano naman ang ginagawa ng simbahan sa suliraning ito sa populasyon? Kung ako ba ay mahirap na sampu ang anak pakakainin ba ako sa simbahan? Paaaralin ba nila lahat ng mga anak ko? Ano ang solusyon nila sa mga batang ito na gumagala at nabubuhay sa lansangan habang namamalimos? Ano ang programa nila sa mga magulang nila tulad ng inang ito na siya mismong nagtuturo sa kanyang anak sa pamamalimos? Nais kong malaman.......kung meron.

Pero base sa aking obserbasyon......WALA. Kung meron man ito ay hindi epektibo.

Sa isang palatuntunan sa telebisyon may ipinakitang isang pamilyang nakatira sa ilalim ng tulay sa Maynila. Dalawamput tatlo ang anak niya. Ako'y mangha! Wala silang sariling tahanan, wala silang permanenteng hanapbuhay, walang nakapg-aral sa mga anak niya, at ang kanyang panganay ay isang ina na din sa murang edad, walang asawa at sa kanya din nakatira. Ang apo niya sa panganay niyang anak ay mas matanda pa sa bunso niya! Sa tuwing kakain kailangang mauna ang mga nakababata, sunod ang medyo nakatatanda at huli ang pinakamatatanda kabilang silang mag-asawa. Kung may matira! Sa dami ng anak niya ay hindi na niya masaulo kung ano ang mga pangalan nila at kung pang-ilan si ganito at si ganyan. Lahat ng may kakayanan ng maghanapbuhay ay dapat ng maghanapbuhay hindi inaalam o tinatanong kung ano. ang mahalaga may mga uwing pambili ng pagkain o pagkain kahit saan pa ito galing.

Paano ang buhay at kinabukasan ng mga batang ito? Paano sila magiging responsable at matuwid na mamamayan kung ganito ang uri ng kanilang buhay? Ng pagpapalaki ng kanilang mga magulang? Ang isasagot sa iyo? Eh kasi mahirap lang kami.

Ano ang masasabi ng simbahan dito?

No comments:

Post a Comment